Thursday, June 11, 2015

Tira-tirang Soft Drink

Hindi ko alam kung bakit ko biglang kinausap si Henry. Siguro dahil nung nanghingi siya ng barya at ibinigay ko yung soft drink na bitbit ko, sinabi niya sa akin, "Ate, uminom ka muna. Baka di ka pa umiinom dyan eh."

Inaasahan kong katulad ng ibang bata sa kalye, garapal din si Henry. Wala sa sarili, sabog, nag-a-adik-adik. Kaya nga hindi ko pinapansin ang mga katulad nila. Pero nagulat ako sa reaksiyon niya sa aking pagbibigay-limos: may pakialam siya sa akin.

Kaya ginawa ko ang isang bagay na hindi ko pa ginagawa sa tanang buhay ko. Nakialam ako. Umupo ako malapit sa kanya. Tinanong ko kung bakit siya nanghihingi ng barya. Maysakit daw kasi ang nanay niya. Hinihika. Kaya siya ang nakatoka na maghanap ng pagkain nila sa pang-araw-araw. Tinanong ko kung nasaan yung tatay niya. Iniwan daw sila, may ibang babae. Sabi ko, loko yung tatay mo no; iniwan kayo.

Hindi niya ako sinagot. Tinanong ko kung ilang taon na siya. Sabi niya, dose anyos. Hindi na daw siya tumangkad kasi nagbibitbit daw siya ng kalakal. Ginagawa niya ang trabahong yun kapag gabi. Habang patuloy siyang nagkukuwento, nadama ko na lalo siyang naawa sa sarili niya. Kaya sinabi ko na lang na bibigyan ko siya ng pera. Pero huwag niyang gagamitin sa kung saan-saan. Ipambibili niya iyon ng pagkain nila.

Sumagot naman siya ng maayos na 'opo,' sabay tago nung pera sa bulsa niya. Akala ko, dun na matatapos yun. Kaya lang, napansin ko na may nakataling kung anong plastic sa binti niya. Tinanong ko kung ano yun. Sugat daw. Nabagsakan ng bakal na bitbit niya. Tiningnan ko. Medyo nagnanana na.

At dahil wala pa yung hinihintay kong kasama, sinabi ko na pumunta muna kami sa malapit na drugstore. Habang naglalakad, nakatingin sa kaniya yung kapwa niya nanlilimos at nabubuhay o naghahanap-buhay sa kalsada. Dun ko lang naramdaman ang panganib na kaakibat ng ganung buhay.

Sa loob ng drugstore, tinanong nung guwardiya kung kasama ko iyong bata. Sinabi ko, oo. Medyo abala nga sa akin kasi kagaya ng ibang mga bata, humahawak siya sa mga paninda. Pinagsabihan ko, katulad ng pagsasaway ko sa mga pinsan kong lalaki na nakababata sa akin.

Naglakad uli kami pabalik kung saan ko siya nakita. Sa aming paglalakad, ginamit ko ang pagkakataon upang sabihan siya na maligo araw-araw, maglaba ng damit kada linggo, magsuot ng tsinelas at huwag masyadong malikot sa kalsada - mga bagay na sinasabi ko sa mga pinsan ko kasi may pakialam ako sa kanila.

Tinanong ko din siya kung bakit di na siya nag-aaral. Wala daw kasing maghahanap ng pagkain nila. Sabi ko, kung makakapag-aral siya, mas madaming pagkain ang maiuuwi niya sa kanila. Ang sagot niya, "Wala na po. Yun. Yung mga kapatid ko, yun ang may mararating pa." Tumahimik na ako. Hindi ko siya masisi kung bakit naging ganun ang pananaw niya.

Nilinisan namin yung sugat niya. Pagkatapos namin mailagay yung band-aid, nagpaalam na siya. Inulit ko ulit yung mga bilin ko sa kaniya. Kasi kahit anong gamot dun sa sugat niya, kung hindi siya magsisikap na maglinis ng sarili, wala din.

Iyan din ang dahilan kaya hindi ako nagpapalimos. Kasi hindi ako naniniwala na nakatutulong ka sa pagbibigay-bigay ng mga iilang barya at konting pagkain. Kaya nagulat ako sa ginawa ko kay Henry.

Dahil sa pagkakataong iyon, wala na akong pakialam kung anong nasa isip niya o nasa isip ng mga tao sa paligid namin noong saglit kong pinakialaman ang buhay niya. Wala na din akong pag-aalala sa kung paano niya ginamit ang pera na binigay ko sa kaniya. Hindi na rin ako naghahanap ng garantiya na magbabago ang pananaw ng bata o susundin niya ang mga bilin ko sa kaniya.

Pero ito lang ang naintindihan ko: napalaya ako sa kaisipang lahat ng mga batang nanlilimos ay magaspang ang ugali at may dalang kapahamakan. Napalaya ako sa isang kaisipang nanghuhusga o nagmamaliit sa kakayanan nilang mag-isip ng kung ano ang pinakamabuti at pinakamainam sa kanila. At sana, napalaya ko din si Henry sa paniniwalang hanggang tira-tirang soft drink lang ang nababagay sa kanya.

Sa ikalalaya ng bawat batang Pilipino. Mabuhay ang kasarinlan ng Pilipinas.


12 Hunyo 2015
Siyudad ng Quezon,
Pilipinas

2 comments:

  1. Ito po pala yung narinig kong kuwento ninyo sa Heartline kanina. Salamat sa Panginoon dahil naibahagi nyo ang ganitong klase ng karanasan na makaka-antig sa mga mambabasa at makakapagpalaya ng mga isipan. Nakakaawa talaga ang maraming mga bata sa kalsada; pinabayaan na at hindi na naranasang maging tunay na bata. Dalangin ko ang pag-iingat at gabay ng Diyos kay Henry at sa milyon-milyon pang mga kabataan na hindi na naaruga, kinakawawa, hindi nakakapag-aral, at hindi nararanasan ang hustisya sa buong mundo. At hipuin pa ang puso ng mga taong nakaka-angat sa kanila upang makialam, tumulong at maiparanas sa kanila ang pagmamahal ng Panginoon :)

    ReplyDelete