Hindi ko alam kung bakit ko biglang kinausap si Henry. Siguro dahil
nung nanghingi siya ng barya at ibinigay ko yung soft drink na bitbit
ko, sinabi niya sa akin,
"Ate, uminom ka muna. Baka di ka pa umiinom dyan eh."
Inaasahan
kong katulad ng ibang bata sa kalye, garapal din si Henry. Wala sa
sarili, sabog, nag-a-adik-adik. Kaya nga hindi ko pinapansin ang mga
katulad nila. Pero nagulat ako sa reaksiyon niya sa aking
pagbibigay-limos: may pakialam siya sa akin.
Kaya
ginawa ko ang isang bagay na hindi ko pa ginagawa sa tanang buhay ko. Nakialam
ako. Umupo ako malapit sa
kanya. Tinanong ko kung bakit siya nanghihingi ng barya. Maysakit daw
kasi ang nanay niya. Hinihika. Kaya siya ang nakatoka na maghanap ng
pagkain nila sa pang-araw-araw. Tinanong
ko kung nasaan yung tatay niya. Iniwan daw sila, may ibang babae. Sabi
ko,
loko yung tatay mo no; iniwan kayo.
Hindi niya ako sinagot. Tinanong ko kung ilang taon na siya.
Sabi
niya, dose anyos. Hindi na daw siya tumangkad kasi nagbibitbit daw siya
ng kalakal. Ginagawa niya ang trabahong yun kapag gabi. Habang patuloy siyang nagkukuwento, nadama ko
na lalo siyang naawa sa sarili niya. Kaya sinabi ko na lang na bibigyan
ko siya ng pera. Pero huwag niyang gagamitin sa kung saan-saan.
Ipambibili niya iyon ng pagkain nila.
Sumagot naman
siya ng maayos na 'opo,' sabay tago nung pera sa bulsa niya. Akala ko,
dun na matatapos yun. Kaya lang, napansin ko na may nakataling kung
anong plastic sa binti niya. Tinanong ko kung ano yun. Sugat daw.
Nabagsakan ng bakal na bitbit niya. Tiningnan ko. Medyo nagnanana na.
At
dahil wala pa yung hinihintay kong kasama, sinabi ko na pumunta muna
kami sa malapit na drugstore. Habang naglalakad, nakatingin sa kaniya
yung kapwa niya nanlilimos at nabubuhay o naghahanap-buhay sa kalsada.
Dun ko lang naramdaman ang panganib na kaakibat ng ganung buhay.
Sa
loob ng drugstore, tinanong nung guwardiya kung kasama ko iyong bata.
Sinabi ko, oo. Medyo abala nga sa akin kasi kagaya ng ibang mga bata,
humahawak siya sa mga paninda. Pinagsabihan ko, katulad ng pagsasaway ko
sa mga pinsan kong lalaki na nakababata sa akin.
Naglakad
uli kami pabalik kung saan ko siya nakita. Sa aming paglalakad, ginamit
ko ang pagkakataon upang sabihan siya na maligo araw-araw, maglaba ng
damit kada linggo, magsuot ng tsinelas at huwag masyadong malikot sa
kalsada - mga bagay na sinasabi ko sa mga pinsan ko kasi may pakialam
ako sa kanila.
Tinanong ko din siya kung bakit di na siya nag-aaral. Wala daw kasing
maghahanap ng pagkain nila. Sabi ko, kung makakapag-aral siya, mas
madaming pagkain ang maiuuwi niya sa kanila. Ang sagot niya,
"Wala na po. Yun. Yung mga kapatid ko, yun ang may mararating pa." Tumahimik na ako. Hindi ko siya masisi kung bakit naging ganun ang pananaw niya.
Nilinisan namin yung sugat niya. Pagkatapos namin mailagay yung
band-aid,
nagpaalam na siya. Inulit ko ulit yung mga bilin ko sa kaniya. Kasi
kahit anong gamot dun sa sugat niya, kung hindi siya magsisikap na
maglinis ng sarili, wala din.
Iyan din ang dahilan kaya
hindi ako nagpapalimos. Kasi hindi ako naniniwala na nakatutulong ka sa
pagbibigay-bigay ng mga iilang barya at konting pagkain. Kaya nagulat
ako sa ginawa ko kay Henry.
Dahil sa pagkakataong iyon,
wala na akong pakialam kung anong nasa isip niya o nasa isip ng mga tao
sa paligid namin noong saglit kong pinakialaman ang buhay niya. Wala na
din akong pag-aalala sa kung paano niya ginamit ang pera na binigay ko
sa kaniya. Hindi na rin ako naghahanap ng garantiya na magbabago ang pananaw ng bata o
susundin niya ang mga bilin ko sa kaniya.
Pero ito lang
ang naintindihan ko: napalaya ako sa kaisipang lahat ng mga batang
nanlilimos ay magaspang ang ugali at may dalang kapahamakan. Napalaya
ako sa isang kaisipang nanghuhusga o nagmamaliit sa kakayanan nilang
mag-isip ng kung ano ang pinakamabuti at pinakamainam sa kanila. At
sana, napalaya ko din si Henry sa paniniwalang hanggang tira-tirang soft
drink lang ang nababagay sa kanya.
Sa ikalalaya ng bawat batang Pilipino. Mabuhay ang kasarinlan ng Pilipinas.
12 Hunyo 2015
Siyudad ng Quezon,
Pilipinas